Isang 45-anyos na lalaki ang natagpuang patay sa kahabaan ng National Highway ng Barangay Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna, matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek noong ala- 2:30 nang madaling araw ng Biyernes, Agosto 30.
Kinilala ang biktima na si alyas Tugis, residente ng Barangay Masili, Calamba City, Laguna. Pinaulanan siya ng bala sa kalsada at natagpuang wala nang buhay sa gilid ng kanyang motorsiklo.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nasa gas station ang saksi na si alyas Ting-ting, 41 anyos na gasoline boy, nang marinig niya ang putok ng baril mula sa kabila ng istasyon na noong una ay inakala niyang pumutok lamang na gulong. Nang puntahan ang lugar kung saan nagmula ang ingay, doon niya na nakita ang duguang katawan ng biktima na may mga tama ng baril.
Samantala, nakatakas naman ang suspek sa pamamaril at pumunta sa main road patungo sa daan ng Calamba City Proper.
Sa ngayon, inaalam pa ang motibo sa pagpaslang sa biktima maging ang pagkakakilanlan ng suspek pati na rin kung mayroon ba itong ibang kasabwat sa pagsasagawa ng krimen. | BChannel News