fbpx

18-Day End VAW Seminar, Isinagawa ng BJMP MIMAROPA sa Batangas City

Nagsagawa ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Regional Office MIMAROPA ng seminar bilang bahagi ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW) noong Nobyembre 25, 2024, sa Brgy. Gulod Labac, Batangas City.

Pinangunahan ni BJMP MIMAROPA Regional Director Jail Senior Superintendent Clarence Mayangao ang aktibidad, kasama si Jail Senior Inspector (Atty.) Joy Atienza, Chairperson ng Regional Protection on Women Committee.

Tinalakay ni Atty. Jane Holgado ng Public Attorney’s Office (PAO) ang mahahalagang batas tulad ng RA 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004), RA 8353 (The Anti-Rape Law of 1997), at RA 11313 (The Safe Spaces Act o Bawal Bastos Law). Ayon kay Atty. Holgado, ang mga batas na ito ay naglalayong protektahan hindi lamang sa pisikal na aspeto kundi pati na rin sa emosyonal, sikolohikal, at pinansyal na pang-aabuso.

Tinalakay rin sa seminar ang iba’t ibang uri ng protection orders na nakasaad sa batas, pati na rin ang proseso at mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng reklamo.

Bukod sa seminar na ito, maglulunsad pa ang BJMP MIMAROPA ng iba pang aktibidad sa unang linggo ng Disyembre upang higit pang maipalaganap ang kaalaman tungkol sa karapatan ng kababaihan at kanilang mga anak laban sa karahasan.

Ang 18-Day Campaign to End VAW ay isang taunang inisyatibo mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 12 na naglalayong itaas ang kamalayan at aksyon laban sa lahat ng anyo ng karahasang nakabatay sa kasarian. | 📸 JO3 Joefrie Anglo, IO-BJMP MIMAROPA |

About Author