Naghatid ng agarang tulong ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Puerto Princesa City Jail Male Dormitory sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Barangay Maunlad, Puerto Princesa City Palawan noong Huwebes, Nobyembre 21.
Pinangunahan ng mga welfare development at community relations service officers ng BJMP, kasama ang ilang social workers, ang pamamahagi ng mga ayuda sa mga evacuees na pansamantalang nanunuluyan sa evacuation center sa Purok Waling-Waling.
Ayon kay Jail Officer 1 Renald Baldonado, ang kanilang inisyatiba ay bahagi ng adbokasiya ng BJMP na tumulong sa pagbuo ng isang ligtas at maunlad na komunidad.
Batay sa ulat, umabot sa 34 kabahayan ang nasunog, na nagresulta sa paglikas ng humigit-kumulang 60 pamilya. Upang matugunan ang kanilang pangangailangan, namahagi ang BJMP ng hygiene kits, grocery packs, at nagsagawa ng feeding program para sa mga biktima ng sunog.
Dagdag pa ni Baldonado, patuloy nilang kinokoordina ang mga hakbang sa lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa City upang matiyak na mabibigyan ng sapat na tulong ang lahat ng apektadong residente. | 📸 JO3 Joefrie Anglo, IO-BJMP MIMAROPA