Isa ang patay habang isa ang kritikal matapos ang naganap na pamamaril bandang alas-3 ng madaling araw ng Disyembre 11, 2024, sa Purok 2, Barangay Dita, Sta. Rosa City, Laguna.
Ayon sa imbestigasyon ng Sta. Rosa City Police Station, lumalabas na ang mag-asawang biktima ay abala sa paghahanda at pagluluto ng pagkain sa kanilang tindahan nang dumating ang hindi nakilalang suspek. Walang sabi-sabing pinaputukan ng suspek ang mag-asawa nang ilang ulit bago tumakas sa hindi pa malamang direksyon.
Ang mag-asawa ay agad na dinala sa Hospital para sa agarang lunas. Sa kasamaang-palad, idineklara nang patay ang isa pagdating sa ospital, habang ang asawa nito ay kasalukuyang ginagamot at nasa kritikal na kondisyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima at mahuli ang responsable sa insidente. Inaalam na rin ang motibo sa naturang krimen. | BChannel NEWS