Isang makasaysayang kasunduan ang nilagdaan nitong Biyernes, Pebrero 21, sa pagitan ng Department of Health (DOH), mga lokal na pamahalaan (LGU), at mga pribadong ospital sa Batangas upang mapalakas ang sistema ng serbisyong pangkalusugan sa lalawigan.
Ginawa ang simultaneous Memorandum of Agreement (MOA) signing sa Aquamarine Pavilion, Aquamarine Recreation Center, Barangay Banay-Banay, Lipa City, Batangas, na dinaluhan ng mahigit 200 opisyal at kinatawan mula sa pampubliko at pribadong sektor.

Pinangunahan ng dating Batangas Gobernador at Kongresista Vilma Santos-Recto ang paglagda sa kasunduan na naglalayong palakasin ang Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP).
Sa ilalim ng programang ito, direktang babayaran ng DOH ang mga ospital upang mapabilis ang pagbibigay ng libreng serbisyong medikal sa mahihirap at mga pasyenteng hirap sa gastusin sa pagpapagamot. Kabilang dito ang mga dating may hanapbuhay ngunit ngayon ay walang sapat na kakayahang pinansyal.

Ayon sa DOH, may P74 bilyong pondo ang nakalaan para sa MAIFIP ngayong taon, na layong mapalawak pa ang saklaw ng programang pangkalusugan upang makinabang ang mas maraming Pilipino.
Dumalo rin sa seremonya sina Ryan Christian Recto (Congressman aspirant); Luis Manzano (Vice-Governor aspirant).
Nagpahayag si Manzano ng kanyang suporta sa inisyatiba, at binigyang-diin ang kahalagahan ng kalusugan sa serbisyo publiko.

Nagbigay rin ng kanilang suporta sa naturang programa sina Congresswoman Maitet Collantes (3rd District of Batangas); Congresswoman Lianda Bolilia (4th District of Batangas); DOH Assistant Secretary Ariel Valencia; Edwin Gardiola (CWS Partylist)
Kasabay ng MOA signing, nagsagawa rin ng site visit ang mga opisyal mula sa DOH, Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Public Works and Highways (DPWH) upang suriin ang mga proyektong pangkalusugan at pang-imprastraktura sa Batangas.
Isa sa mga binisita ay ang Manila-Batangas Bypass Road sa Lipa City, isang mahalagang proyekto upang mapabilis at mapadali ang transportasyon sa rehiyon.
Ang kasunduang ito ay nagpapatibay ng ugnayan ng pampubliko at pribadong sektor sa larangan ng kalusugan. Layon nitong mapabuti ang serbisyong medikal para sa mga Batangueño at matiyak na may sapat na pasilidad at tulong para sa mga nangangailangan.
Pinapayuhan ang publiko na makipag-ugnayan sa kanilang lokal na pamahalaan o DOH upang malaman kung paano makikinabang sa MAIFIP at iba pang programang pangkalusugan. Patuloy rin ang ahensya sa pagsusuri at pagpapalakas ng kanilang mga serbisyo upang matiyak na walang Pilipino ang mapapabayaan pagdating sa kalusugan. | JPamintuan
