Aabot sa siyam na katao ang inaresto ng mga awtoridad na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operations sa iba’t ibang bayan sa Batangas mula Marso 25- 26, ayon sa Regional Police 4A.
Sa Tanauan City, apat na magkahiwalay na operasyon ang isinagawa, kung saan apat na street-level individuals (SLIs) ang nahuli.
Nasamsam mula sa kanila ang hinihinalang shabu at marijuana na may kabuuang halaga na mahigit P3,800.00, pati na rin ang marked money.
Sa Lipa City, isang operasyon ang ikinasa sa isang sementeryo sa Brgy. Antipolo Del Norte, na nagresulta sa pagkakadakip ng isang indibidwal.
Nakumpiska ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P884.00 at isang motorsiklo.
Sa Cuenca, Nasugbu, Lemery, at Batangas City, limang operasyon ang nagresulta sa pagkaka-aresto ng limang katao.
Umabot sa mahigit 3 gramo ng hinihinalang shabu ang nasabat, na may halagang aabot sa P22,000.00.
Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | BChannel NEWS