Hindi pa man natatapos ang imbestigasyon sa viral na video ng pananabunot ng tatlong babae sa isang estudyante sa Bagong Silangan High School, muling kumalat sa social media ang isa pang insidente ng matinding bullying.
Sa bagong video, makikita ang isang babaeng estudyante na inuupuan sa ulo ng kaklase at pinagtulungan pang saktan ng ilang lalaki. Maririnig din na umiiyak na sa sakit ang biktima. Sangkot umano sa panibagong video ang mga Grade 7 students.
Agad na kumilos ang Quezon City Police District (QCPD), at dinala ang biktima sa presinto para sa imbestigasyon at nararapat na tulong. Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa DepEd at DSWD para sa mas maayos na paghawak sa kaso.
Pinaalalahanan ng QCPD ang publiko na bawal ang anumang anyo ng bullying sa ilalim ng Anti-Bullying Act of 2013. May karampatang parusa sa mga mapapatunayang sangkot, lalo na kung nagdudulot ito ng matinding pisikal o emosyonal na pinsala.
Dahil sangkot ang mga menor de edad, tiniyak ng QCPD na maingat at kumpidensyal ang gagawing imbestigasyon alinsunod sa batas. | Bchannel NEWS