Nagpaabot ng buong suporta si dating Batangas Governor at aktres na si Vilma Santos-Recto kay Batangas Vice Governor Mark Leviste sa kanyang pagtakbo bilang kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Batangas sa darating na halalan sa Mayo 2025.
Sa isang video na binahagi ni Mark Leviste sa kanyang Facebook page, sinabi ni Ate Vi: “I truly admire you and appreciate you, and praying too na sana manalo ka rin sa hinahangad mo na distrito para sa ating lalawigan.”
Binigyang-diin ni Ate Vi ang kanilang pagkakaisa bilang isang pamilya: “We will continue to work as a family. So to all of you and to you Vice, and to all, best in life and God bless you, God bless all of us.”
Hindi rin itinago ni Ate Vi ang kanyang paghanga kay Leviste, na matagal na niyang nakasama sa serbisyo publiko: “I admire you and appreciate you, Vice.“
Samantala, ayon sa pinakahuling datos mula sa One Research Philippines Inc. (ORPI) noong Marso 4, 2025, si Leviste ang nangunguna sa survey para sa Congressional race ng Batangas 3rd District na may 56.5%. Pumapangalawa si Atty. King Collantes na may 42%, habang nasa ikatlong pwesto si Nestor Burgos na may 1%.
Matatandaang nagdesisyon si Leviste na umatras sa kanyang naunang planong pagtakbo bilang gobernador ng lalawigan at sa halip ay tumakbo bilang kinatawan ng ikatlong distrito ng Batangas sa darating na halalan sa Mayo 2025.
Ayon kay Leviste, matapos ang masusing pagninilay at konsiderasyon, pinili niyang hindi ituloy ang kanyang kandidatura sa pagka-gobernador bilang pagpapakita ng respeto at suporta kay dating Gobernador Vilma Santos-Recto, na muling tatakbo sa posisyon.
Binigyang-diin niya na ang kanilang pangunahing layunin ay ang patuloy na pag-unlad ng lalawigan ng Batangas. | BChannel NEWS