Isang lalaki ang nasawi habang tatlo ang sugatan sa isang insidente ng pananaksak at pananakit sa Brgy. Taguin, Macalelon, Quezon dakong 2:45 ng hapon noong Abril 6, 2025.
Batay sa imbestigasyon ng Macalelon Municipal Police Station, habang nililinis ni alias Jomar ang kanyang motorsiklo, bigla siyang sinuntok ng mga suspek na sina alias Jucil at alias Justine, na kapwa umano’y nasa ilalim ng impluwensya ng alak. Nang makialam si alias Dandreb upang awatin ang mga suspek, siya naman ang sinunod na sinuntok.
Umalis muna si alias Jomar sa pinangyarihan ng insidente at bumalik na kasama ang kanyang nakatatandang kapatid na si alias Reniel. Ngunit agad silang sinalubong ng mga suspek kung saan sinaksak sina alias Reniel at alias Dandreb. Si alias Iresh, na naroon din sa lugar, ay tinangkang habulin at binugbog gamit ang kawayan ni alias Daniel at alias Edmar.
Isinugod sa Quezon Medical Center sa Lucena City si alias Reniel ngunit idineklarang dead on arrival sanhi ng dalawang saksak sa kanyang tiyan. Samantala, si alias Dandreb ay nagtamo ng sugat sa kaliwang braso, habang si alias Jomar at alias Iresh ay nagtamo ng pasa at pinsala sa katawan.
Dahil sa agarang aksyon ng mga awtoridad, nagsagawa ng hot pursuit operation ang Macalelon MPS na nagresulta sa pagkakaaresto ng lahat ng suspek at pagkakarekober ng ginamit na patalim.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Macalelon MPS ang mga suspek habang inihahanda na ang kasong kriminal na isasampa sa Tanggapan ng Piskalya sa Gumaca, Quezon. | BChannel NEWS