Isang malagim na aksidente ang naganap dakong alas-2:10 ng madaling araw nitong Abril 8, sa Brgy. San Antonio, Biñan City, Laguna, na nagresulta sa pagkamatay ng isang angkas at pagkasugat ng dalawang rider.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Biñan Component City Police Station (CCPS), parehong patungong Brgy. Platero mula sa Biñan Proper ang dalawang motorsiklong sangkot sa insidente. Sa hindi pa matukoy na dahilan, nagkaroon ng salpukan ang dalawang sasakyan sa kahabaan ng National Highway.
Ang unang motorsiklo na minamaneho ni Dwayne, 23 taong gulang, residente ng Brgy. Malusak, Santa Rosa City. Siya ay may angkas na kinilalang si Daryll, 30 taong gulang, service crew, at residente ng Brgy. Sto. Domingo, Biñan City. Si Daryll ay nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at idineklara nang dead on arrival sa ospital dahil sa Traumatic Brain Injury.
Ang ikalawang motorsiklo, ay minamaneho ni John, 35 taong gulang, residente rin ng Brgy. Sto. Domingo, Biñan City. Ayon sa pulisya, si John ay walang dalang driver’s license nang manyari ang aksidente.
Kapwa isinugod sa Ospital ng Biñan ang dalawang rider para sa medikal na eksaminasyon alinsunod sa Standard Operating Procedure. Inihahanda na rin ang kaukulang kaso laban sa kanila para sa Reckless Imprudence Resulting to Homicide and Damage to Property.
Ayon kina Pat. Bague at Pat. Catindig ng Biñan CCPS, parehong naipabatid sa mga suspek ang kanilang karapatang konstitusyonal. Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang tunay na sanhi ng banggaan. | BChannel NEWS