Isang insidente ng pagnanakaw ang naiulat sa isang Subdivision sa Brgy. San Rafael, Sto. Tomas City, Batangas noong gabi ng Abril 11, 2025.
Ayon sa ulat ng Sto. Tomas City Component Police Station (CCPS), natuklasan ng biktima na si Joven, 51 taong gulang at isang negosyante, na nawawala ang kanyang mga personal na gamit pagdating niya sa kanilang tahanan. Sa pamamagitan ng CCTV footage mula sa loob ng bahay, nakita ang suspek na pumasok sa bahay bandang 7:30 PM sa pamamagitan ng pag-akyat sa konkretong bakod at pagsira sa bakal na grills sa ikalawang palapag.
Tinangay ng suspek ang iba’t ibang mamahaling alahas kabilang ang isang Tag Heuer watch (Php 250,000), set ng Bulgari jewelry (Php 400,000), gold bracelet at necklace (Php 100,000), at cash na Php 300,000 na nakaimbak sa isang portable vault.
Matapos ang krimen, makikita ang suspek habang naglalakad papunta sa kanyang getaway vehicle, isang GEELY SUV na may plate number NEW8149.
Sa tala ng logbook ng security guard ng subdivision, nakilala ang suspek bilang si Elvis, residente ng Tanauan City, Batangas, gamit ang kanyang PhilHealth ID nang pumasok sa subdivision.
Sa kasalukuyan, si Elvis ay pinaghahanap na ng mga awtoridad. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang mahuli ang suspek at mabawi ang mga ninakaw na gamit.
Nanawagan ang kapulisan sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang impormasyon ukol sa kinaroroonan ng suspek. | BChannel NEWS