Isang lalaki ang nasawi matapos masangkot sa isang malagim na aksidente sa kahabaan ng President Jose P. Laurel Highway sa Brgy. Poblacion, Malvar, Batangas bandang 3:15 ng madaling-araw ngayong Abril 15, 2025.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Malvar Municipal Police Station, minamaneho ng biktima na si Wulfrando, 50 taong gulang, residente ng Mabuhay City Subdivision, Cabuyao City, Laguna, ang isang utility vehicle na patungong Tanauan City.
Pagdating sa lugar ng insidente, umano’y nasagi ng sasakyan ang isang konkretong poste na nasa gitna ng highway. Dahil sa tindi ng pagkakabangga, tumilapon palabas ng sasakyan ang biktima.
Isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit idineklara siyang dead on arrival bandang 3:52 ng madaling-araw.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang sanhi sa naganap na insidente.| BChannel NEWS