Dalawang magkahiwalay na insidente ng pagkalunod ang naiulat kamakailan sa mga bayan ng Mabitac at Santa Cruz, Laguna, na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang lalaki.
Sa ulat ng Mabitac Municipal Police Station (MPS), at salaysay ng asawa ng biktima nitong Abril 22, 2025, nalunod umano ang kanyang asawa na si Armando, 47 taong gulang, residente ng Brgy. San Miguel, Mabitac.
Ayon kay Ginalyn, bandang 2:00 ng hapon noong Abril 18, habang nasa outing ang kanilang pamilya sa ilog ng Sitio Limbok, Brgy. Numero, ay lumangoy mag-isa ang kanyang asawa at umabot sa bahagi ng ilog na masyadong malalim. Ilang minuto ang lumipas, nakita siyang kumakaway at humihingi ng saklolo.
Agad siyang tinulungan ng mga kamag-anak ngunit inabot ng halos 30 minuto bago narekober ang katawan. Dinala siya sa Hospital sa Siniloan, Laguna ngunit idineklarang dead on arrival.
Samantala, sa bayan ng Santa Cruz, iniulat din ng Santa Cruz Police Station na bandang 3:30 ng hapon noong Abril 22, tumalon umano mula sa Santa Cruz Bridge sa Brgy. Santo Angel Sur ang isang lalaking nakilalang si Bong Carlo.
Ayon sa mga nakasaksi, bigla na lamang itong tumalon sa ilog at hindi na muling nakita. Agad nagsagawa ng search and rescue operation ang MDRRMO Santa Cruz at narekober ang katawan bandang 6:05 PM. Siya ay dinala sa Laguna Medical Center ngunit idineklarang patay.
Kinilala ang biktima sa pamamagitan ng kanyang national ID na natagpuan sa kanyang sling bag. | BChannel NEWS