Inaprubahan ng Commission on Elections (COMELEC) ang Implementing Resolution ng Article V alinsunod sa COMELEC Resolution No. 10924, kaugnay ng nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa darating na 01 Disyembre 2025.
Ito ay naisabatas sa ilalim ng Resolution No. 11132 at iba pang kaukulang batas gaya ng Omnibus Election Code (B.P. Blg. 881), at mga Republic Act Nos. 6646, 8189, 9164, 10742, at 11768.
Layunin ng resolusyong ito na maipabatid sa publiko ang opisyal na calendar of activities at mga panahong ipinagbabawal ang ilang aktibidad sa panahon ng halalan. Kabilang dito ang mga limitasyon sa paglipat ng mga tauhan ng pamahalaan, paggamit ng pondo ng bayan, at iba pang gawaing maaaring makaapekto sa integridad ng halalan.
Ayon sa COMELEC, ang Education and Information Department ang mangunguna sa pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa resolusyong ito. Ipinalalathala ito sa dalawang pahayagang may malawak na sirkulasyon sa bansa, at ipo-post rin sa opisyal na website ng ahensya sa pamamagitan ng Information and Technology Department.
Ang resolusyon ay magkakabisa pitong (7) araw matapos itong mailathala sa nasabing mga pahayagan.
Inaasahan ng COMELEC na magiging gabay ito ng mga kandidato, botante, at iba’t ibang institusyon sa pagsunod sa mga itinakdang alituntunin para sa maayos, mapayapa, at patas na halalan sa Disyembre 2025. | BChannel NEWS