CALABARZON ang nakapagtala ng pinakamaraming reklamo kaugnay ng umano’y vote buying, vote selling, at pag-abuso sa yaman ng gobyerno ngayong halalan, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa isinagawang media forum nitong April 25, Biyernes sa DILG Central Office, iniulat ni Assistant Secretary Atty. Jesi Lanete na umabot na sa 158 ang kabuuang bilang ng mga reklamo na isinampa sa Commission on Elections (Comelec). Sa nasabing bilang, 31 reklamo ang nagmula sa CALABARZON, sinundan ng Region III na may 30, at National Capital Region (NCR) na may 24.
Binanggit ni Lanete na 16 sa mga reklamong ito ay may kinalaman sa pamimigay ng ayuda o iba pang tulong-pinansyal, na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Section 33 ng Comelec Resolution 11104. Aniya, itinuturing na presumptive vote buying ang pamamahagi ng ayuda ng isang kandidato, maging ng kanilang kaanak hanggang second civil degree, tagasuporta, o empleyado sa panahon ng kampanya.
Dahil dito, naglabas na ang Comelec ng show cause orders laban sa 29 lokal na kandidato upang humingi ng paliwanag kaugnay ng mga kasong inihain laban sa kanila. Paalala ng DILG, maaaring madiskwalipika sa kandidatura ang sinumang mapapatunayang sangkot sa vote buying o pag-abuso sa yaman ng gobyerno.
“Ipapaalala lang po natin sa ating mga kandidato to strictly comply with the Comelec provisions against vote buying. And sa ating mga incumbent candidates, to prevent yung abuse of state resources,” ani Lanete.
Samantala, ipinahayag ni DILG Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla ang buong suporta sa kampanyang “Kontra Bigay” ng Comelec at hinikayat ang publiko na makiisa sa “Kontra Tanggap” upang matigil ang kultura ng katiwalian tuwing halalan.
Dagdag pa ni Lanete, hindi lamang ang mga kandidatong namimili ng boto kundi pati na rin ang mga botanteng tumatanggap ng pera o pabor kapalit ng kanilang boto ay maaaring maharap sa kaso, batay sa probisyon ng Omnibus Election Code. | BChannel NEWS