Patay ang isang lalaki sa pananaksak sa sa Sitio Tanag, Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal bandang ala-1:00 ng madaling araw nitong Abril 25, 2025.
Kinilala ang biktima na si Richard, na noo’y nasa loob ng nakaparadang trak at naghihintay ng dispatch nang bigla siyang salakayin ng suspek na si Ruel, na armado ng 13-pulgadang kitchen knife.
Ayon sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station (MPS), puwersahang pumasok ang suspek sa trak. Nang mamataan ng biktima ang suspek, agad itong nagtangkang tumakas ngunit hinabol at sinaksak sa dibdib. Sa gitna ng komosyon, nagawa pa umanong maagaw ng biktima ang patalim at nagawang saksakin din ang suspek bilang pagtatanggol sa sarili. Gayunman, bumagsak rin ang biktima at nawalan ng malay.
Isinugod ng isang saksi si Richard sa Montalban Infirmary ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Lumalabas sa imbestigasyon na matagal nang may alitan ang biktima at ang suspek na may kaugnayan sa isang love triangle. Agad namang nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad, na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek at pagkakakumpiska sa ginamit na patalim.
Dinala naman sa Hospital ang suspek para sa kinakailangang medikal na atensyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa insidente. | BChannel NEWS