Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin kaninang alas 3:00 AM, Abril 26, sa Sitio Postema, Barangay Sahud Ulan, Tanza, Cavite.
Ayon sa imbestigasyon ng Tanza Municipal Police Station, natanggap ng Capipisa Outpost ang ulat hinggil sa pamamaril dakong 3:20 AM sa Las Brisas de Tanza, bahagi pa rin ng nasabing barangay.
Kinilala ang biktima na si Jude, na noo’y nag-iinuman kasama ang kanyang mga kaibigan sa harap ng isang bahay. Dumaan umano sa lugar ang suspek na si Ramil, kasama ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki, nang tila tinukso o tinawanan umano ng grupo ng biktima, ayon sa paunang report ng pulisya.
Pagkalipas ng ilang minuto, bumalik ang suspek at pinaputukan ang biktima ng dalawang beses: isang beses sa kanang bahagi ng likod at isa sa kanang pisngi. Agad tumakas ang suspek kasama ang dalawang kasamahan.
Isinugod sa Hospital ang biktima ngunit idineklara siyang dead on arrival. Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang kinaroroonan ng suspek at mga kasabwat nito. | BChannel NEWS