Planong isulong ni dating senador at independent senatorial candidate Bam Aquino ang dagdag na pondo para sa libreng Related Learning Experiences (RLE) ng mga Nursing Student sa bansa, sakaling mahalal itong muli sa Senado .
Ang naturang panukala ay bilang tugon umano sa mga hinaing ng nursing student kaugnay ng dagdag gastusin para sa RLE, pati na rin sa lumalalang isyu ng kakulangan sa mga nurses sa Pilipinas bunsod ng patuloy na pagdami ng mga Filipino nurses na nangingibang-bansa.
Sa kanyang naging pagbisita sa Southern Bicol College sa Masbate noong Abril a-12, sinabi ni Aquino na marami umanong bilang ng nursing students ang napipilitan na mangibang-bansa matapos magtapos ng pag-aaral upang mabayaran ang inutang para matustusan ang RLE.
“Hindi ko alam kung magkano iyong RLE dito pero sa ibang mga probinsiya, umaabot ng P100,000 for four years. Isipin nyo po P100,000 uutangin, paano iyan mababayaran kung dito sa Pilipinas magtatrabaho?” ani ni Aquino.
“Itong sistema ito, parang pinipilit iyong mga nurse natin na mangibang bansa. May problema talaga kung nais natin mapuno iyong mga hospital ng nurse na Pilipino,” dagdag pa niya.
Ang RLE o Related Learning Experiences ay katumbas ng on-the-job training (OJT) at isa sa mga requirement para makatapos ng kursong nursing.
Bilang solusyon, iminumungkahi ni Aquino na gawing scholarship ang RLE upang makabawas sa gastusin ng mga estudyante at mahikayat silang manatili at magtrabaho sa bansa pagka-graduate.
Dagdag pa niya, malaki umano ang maitutulong ng nasabing programa sa pagresolba sa mataas na nurse-patient ratio sa mga ospital, na dulot ng kakulangan ng mga nurses sa bansa.
Bahagi ng kondisyon ng scholarship ang obligasyon ng mga benepisyaryong nursing students na mag-render ng kanilang serbisyo sa mga ospital sa bansa sa loob ng tatlong taon matapos silang makapagtapos.
Samantala, pinag-aaralan din ni Aquino ang posibilidad ng buong implementasyon ng libreng RLE, dahil maaari rin umano itong isa sa mga dahilan kung bakit dumarami ang bilang ng mga estudyanteng nagda-dropout sa kursong Nursing.
Photo Courtesy: Team Bam Aquino | DRupan., BChannel NEWS