Isang insidente ng pagnanakaw ang naiulat sa tanggapan ng Mabini Municipal Police Station (MPS) dakong alas-7:20 ng umaga ng Mayo 7, 2025, matapos personal na magtungo si Danny upang isumbong ang insidente ng panloloob sa LBC Express sa Brgy. Poblacion, Mabini, Batangas.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Mabini Police Station, naganap ang insidente sa pagitan ng ala-1:00 hanggang alas-2:00 ng madaling araw ng parehong araw.
Ayon sa pulisya, dalawang hindi pa nakikilalang lalaki ang hinihinalang responsable sa krimen. Gumamit umano ang mga suspek ng bolt cutter upang putulin ang bisagra ng rolled-up door ng establisyemento, at saka binasag ang glass door upang makapasok.
Matapos makapasok, tinangay ng mga suspek ang limang parcel na naglalaman ng mga alahas. Tinatayang nagkakahalaga ng Php 419,216.00 ang kabuuang halaga ng mga natangay.
Agad namang tumakas ang mga suspek patungo sa hindi pa natutukoy na direksyon matapos ang insidente.
Patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation at imbestigasyon ang Mabini MPS upang matukoy at maaresto ang mga responsable. Kasalukuyan ding sinisiyasat ang mga CCTV footage sa paligid upang makakuha ng posibleng pagkakakilanlan ng mga suspek. | BChannel NEWS