Patay ang apat na katao matapos pagbabarilin ng live-in partner ang kanyang kinakasama at mga anak nito sa Southville 5A, Barangay Langkiwa, Biñan City, Laguna, nitong Mayo 8.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Biñan Component City Police Station, isang saksi ang nakarinig ng mainitang pagtatalo sa loob ng bahay ng mga biktima bandang alas-2:45 ng hapon.
Ilang sandali matapos ang pagtatalo, sunod-sunod na putok ng baril ang narinig mula sa loob ng bahay.
Kaagad namang rumesponde ang mga opisyal ng barangay at pwersahang binuksan ang padlock ng gate upang makapasok. Sa kanilang pagpasok, tumambad ang walang buhay na katawan ng dalawang babae at ang suspek. Isa pang menor de edad na lalaki ang natagpuang sugatan at agad na dinala sa Ospital ng Biñan pero sa kasamaang palad binawian na rin ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Joan at ang kanyang mga anak na si Jenel, 10 taong gulang, at si Joemari, 11 taong gulang.
Kinilala naman ang suspek na si Joel, 40 taong gulang, isang driver/bodyguard, na nakatira rin sa parehong address ng mga biktima. Matapos umanong barilin ang mga biktima ay nagpakamatay rin ito.
Ang alitan ay hinihinalang may kaugnayan sa isyu ng “third party” o panloloko sa relasyon.
Nakatakdang isailalim sa autopsy examination ang mga bangkay upang matukoy pa ang eksaktong sanhi ng kanilang pagkamatay habang patuloy pa ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad. | BChannel NEWS