Isang tricycle driver ang nasawi habang dalawa ang sugatan sa isang sunog na sinabayan ng malakas na pagsabog sa Purok 1, Barangay Bolbok, Batangas City, dakong alas-7:20 ng gabi nitong Mayo 9, 2025.
Batay sa ulat ng Batangas City CCPS, nagsimula ang apoy sa tahanan ng biktimang si Mehaida, 64 taong gulang. Ang nasabing bahay ay yari sa kumbinasyong kongkreto at kahoy, at may lawak na 36 na metro kuwadrado.
Sa kasagsagan ng sunog, isang malakas na pagsabog ang narinig na naging dahilan ng pagkasira ng isang paupahang bahay na pag-aari rin umano ng biktima. Tinatayang aabot sa P500,000 ang halaga ng nasabing pinsala.
Kinilala ang nasawi na si Robert, 27 taong gulang, tricycle driver at residente rin ng nasabing barangay. Nasawi siya sa mismong lugar ng insidente. Sugatan naman sina Jessa at Jesusa na agad dinala sa Batangas Medical Center para sa karampatang lunas.
Dakong alas-7:50 ng gabi ay idineklarang fire out ang insidente. Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog at ng pagsabog. | BChannel NEWS