Namatay ang isang 30-anyos na ginang matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang asawa sa Sitio San Juan, Brgy. Darangan, Binangonan, Rizal bandang alas-3 ng hapon nitong Biyernes, Mayo 9, 2025.
Ayon sa ulat mula sa Binangonan Municipal Police Station, isang tawag ang natanggap ng kanilang Tactical Operation Center bandang 3:40 ng hapon mula kay Patrolman Reden S. Macasinag, na nag-ulat ng insidente ng pananaksak sa nasabing lugar.
Sa isinagawang imbestigasyon, dahil umano sa matinding selos, pinagsasaksak ng suspek na si Ronald, 30-anyos, ang kanyang asawa na si Carlota, 30-anyos din, sa iba’t ibang bahagi ng katawan na nagresulta sa agarang pagkamatay ng biktima. Matapos ang krimen, tinangkang wakasan ng suspek ang sariling buhay sa pamamagitan ng pananaksak sa sarili.
Agad namang rumesponde ang Emergency Response Team ng Binangonan Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office at isinugod si Ronald sa Margarito Duavit Memorial Hospital sa Brgy. Darangan para sa medikal na atensyon.
Ang mga imbestigador ay humiling na rin ng tulong mula sa Rizal Provincial Forensic Unit para sa crime scene processing.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang malaman ang kabuuang detalye sa likod ng madugong insidente. | BChannel NEWS