Dalawang batang edad anim ang patay matapos malunod sa karagatang sakop ng Barangay Matandang Sabang Silangan, Catanauan, Quezon nitong Linggo ng hapon, Mayo 25.
Ayon sa Catanauan Municipal Police Station (MPS), dakong alas-3:20 ng hapon nang iulat ng duty guard ng Bondoc Peninsula District Hospital (BPDH) na may dalawang batang dinala sa kanilang pagamutan dahil sa insidente ng pagkalunod.
Sa isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, lumalabas na bandang alas-1:30 ng hapon ay nagsasaya ang pamilya ng mga biktima sa isang salu-salo sa tabing-dagat ng Brgy. Matandang Sabang Silangan.
Habang naliligo sa dagat, napansin ng pamilya na hindi na bumalik ang dalawang bata kaya agad silang nagsagawa ng search and rescue kasama ang ilang residente.
Narekober ang batang lalaki at babae bandang alas-2:40 ng hapon at agad na isinugod sa BPDH, subalit idineklara na silang Dead on Arrival ng doktor na sumuri sa kanila.
Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa mga magulang na maging mas mapagmatyag sa mga batang naliligo sa mga pampublikong lugar lalo na ngayong panahon ng tag-init. | BChannel NEWS