Pitong katao ang nagtamo ng iba’t ibang pisikal na pinsala matapos ang isang aksidente na naganap dakong 3:19 ng madaling araw nitong Mayo 25, 2025 sa Bypass Road, Barangay Baguio, Tayabas City, Quezon.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Tayabas City Police Station, binabaybay ng isang van ang Rotonda Intersection ng Bypass Road nang biglang may makasalubong itong sasakyang may nakakasilaw na ilaw o bright light.
Dahil dito, pansamantalang nawalan ng paningin o nasilaw ang driver na naging sanhi upang mabangga nito ang mga konkretong harang sa gitna ng intersection.
Nagdulot ang insidente ng hindi matiyak na halaga ng pinsala sa sasakyan at ikinasugat ng mga pasahero nito. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Tayabas at dinala sa Tayabas Community Hospital ang mga sugatan para sa kaukulang lunas.
Kinilala ang driver na si Brendo, 70 taong gulang, residente ng Balingasa St., Balintawak, Quezon City, na hindi nagtamo ng anumang pinsala.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente. | BChannel NEWS