Walang habas na pinagtataga sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang isang lalaki hanggang sa mapatay sa Sitio Iskol, Barangay Ibabang Polo, Pagbilao, Quezon bandang alas-12:30 ng tanghali noong Mayo 30, 2025.
Ayon sa Pagbilao Municipal Police Station, isang tawag mula sa isang concerned citizen ang kanilang natanggap ukol sa naturang insidente. Agad namang rumesponde ang mga duty patrollers at imbestigador sa lugar ng krimen.
Batay sa paunang imbestigasyon, may matagal nang alitan ang biktima at ang suspek na dati na ring idinulog sa Lupon Tagapamayapa ng Barangay.
Ayon sa pulisya, mag-isang naglalakad ang biktima malapit sa ilog nang bigla itong salakayin ng suspek at saka pinagtataga gamit ang matalim na armas.
Ang biktima ay nakilalang si Rogelio, 68 anyos, isang mangingisda, may asawa, at residente ng Sitio Iskol, Brgy. Ibabang Polo. Agad siyang isinugod sa Quezon Medical Center sa Lucena City ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Samantala, agad tumakas ang suspek na nakilalang si Nemisio, nasa legal na edad, may asawa, at kapwa residente rin ng Sitio Iskol. Siya ay kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad at huling namataang tumakas patungong direksyon ng Padre Burgos, Quezon.
Patuloy ang imbestigasyon ng Pagbilao PNP upang madakip ang suspek at mabigyang katarungan ang sinapit ng biktima. | BChannel NEWS