Patay ang isang lalaki matapos matagpuan na may mga saksak sa katawan sa loob ng kanilang barracks sa isang Subdivision sa Brgy. Muntingpulo, Lipa City, Batangas bandang 2:30 ng hapon nitong Linggo, Hunyo 1, 2025.
Kinilala ang biktima sa Mar, habang tinutugis naman ang suspek na nakilala sa Ivan.
Batay sa imbestigasyon ng Lipa City Component Police Station (CCPS), nadiskubre ng mga kasamahan sa trabaho ng biktima — na sina Manolito at Anthony — ang wala nang buhay na katawan ni Mar na nakahiga sa kama, may mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa mga saksi, bago ang insidente ay nag-inuman umano ang biktima at ang suspek. Nauwi umano ito sa isang mainit na pagtatalo, kung saan tinutukan pa ni Mar ng kutsilyo sa leeg si Ivan, ngunit naawat ng kanilang mga kasama.
Napansin din umano ng mga saksi na nagmamadaling nag-impake at umalis si Ivan matapos ang inuman, bago madiskubre ang insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang inaalam ang motibo sa krimen at pinaghahanap ang tumakas na suspek. | BChannel NEWS