Isang bata ang nasawi nang malunod sa Maling River na matatagpuan sa Barangay San Isidro, Atimonan, Quezon, bandang 1:40 ng hapon noong Hunyo 1, 2025.
Ayon sa imbestigasyon ng Atimonan Municipal Police Station (MPS), nagtungo sa ilog ang pamilya ng biktima upang maglaba. Habang abala sa paglalaba ang tagapag-alaga, pansamantalang naiwan ang tatlong bata sa mababaw na bahagi ng ilog.
Sa hindi inaasahang pangyayari, biglang lumakas ang agos ng tubig at tinangay ang mga bata patungo sa mas malalim na bahagi ng ilog.
Agad namang rumesponde ang tagapag-alaga at nailigtas ang dalawa sa mga bata, ngunit hindi na naisalba si Alyana na tuluyang tinangay ng agos at hindi na agad nakita sa ilalim ng tubig.
Nagsagawa ng agarang paghahanap ang mga kamag-anak ng biktima at humingi ng tulong sa mga awtoridad. Matapos ang humigit-kumulang 30 minutong search and rescue operation, natagpuan ang biktima sa ilalim ng tubig at agad dinala sa Doña Martha Hospital.
Sa kabila ng ginawang cardiopulmonary resuscitation (CPR) ng attending physician, idineklara ring dead on arrival ang biktima.
Patuloy na pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na mag-ingat lalo na tuwing bumibisita sa mga ilog o katubigan, upang maiwasan ang mga ganitong insidente. | via BChannel NEWS