Isang gasolinahan ang nilooban ng mga mananakaw bandang alas-4:48 ng madaling araw nitong Martes Hunyo 10, sa PTT Gasoline Station sa Purok 4, Brgy. Banay-Banay 1st, San Jose, Batangas.
Batay sa paunang imbestigasyon na pinamunuan ni PMAJ Ernie Bilog Delos Santos, sapilitang sinira ng dalawang lalaki ang bakal na pintuan ng opisina ng nasabing gasolinahan. Pagkapasok, kinuha ng mga ito ang laman ng safety vault at isinama pa mismo ang vault na naglalaman ng tinatayang 600,000 piso.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo patungo sa hindi pa matukoy na direksyon. Nakunan naman ng CCTV ang buong pangyayari.
Humiling na ng tulong mula sa SOCO para sa mas malalim na technical investigation. Patuloy rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad para sa pagkakakilanlan ng mga suspek. | BChannel NEWS