Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang patuloy niyang pagkadismaya sa kasalukuyang sistema ng edukasyon sa bansa, partikular sa Senior High School curriculum na bahagi ng K-12 program.
Samantala, hati ang opinyon ng ilang mambabatas kaugnay sa programang ito. Si Senador Jinggoy Estrada ay nais na tuluyang i-scrap ang curriculum, habang si Senador Win Gatchalian naman ay nagmumungkahi na bawasan na lamang ang bilang ng taon sa kolehiyo bilang kompromiso.
Sa kabila ng magkaibang pananaw nina Senador Estrada at Gatchalian, ibinahagi ng Pangulo ang kaniyang sariling frustration sa umiiral na sistema. Nang tanungin tungkol sa kaniyang paninindigan, sinabi ni PBBM: “It is just expressing the same frustration I’ve expressed in the first place.”
Matatandaang noong nakaraang taon ay inatasan ni PBBM ang Department of Education (DepEd) na i-rationalize o muling pag-aralan ang Senior High School curriculum upang mapabuti ang kalidad nito.
Ayon sa Pangulo, magastos ang K-12 program dahil sa karagdagang dalawang taon sa pag-aaral. Binanggit niya ang dagdag na gastusin ng mga magulang para sa matrikula, school supplies, at mga libro, ngunit sa kabila nito ay hindi pa rin umano napapakinabangan ng mga mag-aaral ang programa pagdating sa trabaho.
Gayunpaman, iginiit ng Pangulo na habang nananatili ang batas ukol sa K-12, sisikapin ng pamahalaan na pagandahin at ayusin ito.
“Pagagandahin at aayusin natin ‘yan,” ani PBBM, batay sa kanyang naging pahayag kay Education Secretary Sonny Angara.
Dagdag pa ni PBBM: “Kasi, ano ang madalas natin marinig? Mismatch. Ang skills ko, hindi employable.” Bilang tugon, sinabi niyang nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa pribadong sektor upang alamin kung anong kasanayan at training ang talagang kailangan sa industriya.
“In fairness, the private sector went one step further. Sabi nila, ‘Gusto n’yo kami na magpatakbo ng training?’ Tapos paglabas ng estudyante sa training, may trabaho na agad sa amin kasi sakto ang training niya sa ginagawa namin,” dagdag pa ng Pangulo.
Sa ngayon, nakaabang ang publiko sa magiging aksyon ng Kongreso hinggil sa posibleng pagbabago sa sistema ng edukasyon sa bansa. | A.Simara, BChannel NEWS intern