Pinapatawag ng Land and Transportation Office (LTO) ang isang social media content creator na si Josh Mojica para pagpaliwanagin matapos na mahuling gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho sa highway.
Mabilis na nag-viral ang video ng nasabing content creator na umani ng negatibong reaksyon mula sa publiko. Agad namang inaksyunan ng LTO ang insidente at naglabas na ng show cause order para magpakita sa pagdinig at maghain ng explanation.
Ayon kay LTO Chief Asec. Vigor Mendoza II, tila ginagawa pa umano ng driver ang insidente bilang social media content.
Tatlong kaso ang posibleng kaharapin ng content creator: reckless driving, paglabag sa Anti-Distracted Driving Act, at Improper Person to Operate a Motor Vehicle — na maaaring humantong sa pagbawi ng kanyang lisensya.
Sa ngayon, suspendido ng 90 araw ang lisensya ng content creator.
Pinaharap na rin ng LTO ang driver at ang may-ari ng sasakyan para magpaliwanag sa opisina ng LTO Central Office. Inilagay na rin sa alarm status ang naturang Porsche. | BChannel NEWS/A.Simara