Isang kwento ng tunay na pag-ibig at katatagan ang humaplos sa puso ng marami sa Tuy, Batangas — isang mag-asawa na halos isang siglo na ang edad, pero matibay pa rin ang pagmamahalan.
Sina Tatay Anghel Marasigan, 95-anyos, at Inay Maria o “Mareng” Marasigan, 94-anyos, ay naging simbolo na talaga ng forever sa kanilang komunidad.
Ipinanganak si Tatay Anghel noong October 2, 1930, habang si Inay Mareng naman ay noong July 1, 1931. Magkababata raw sila, naging playmates, hanggang sa tuluyang ma-in love at ikinasal noong May 3, 1952.
Sa loob ng 72 years ng pagsasama, pinatunayan nilang kayang lagpasan ang lahat ng pagsubok basta’t may pagmamahalan at pag-unawa.
Ayon sa kanila, ang sikreto sa forever ay pagmamahal at pasensya — na walang hinihinging kapalit. Panawagan nila sa mga bagong mag-asawa: “Magmahalan, mag-unawaan, at makinig sa isa’t isa.”
Kamakailan lang, ipinagdiwang ang ika-94 kaarawan ni Inay Mareng sa isang espesyal na selebrasyon na pinangunahan ng kanilang mga anak. Dumalo rito ang halos buong angkan — mga apo, apo sa tuhod, at mga kaibigan — na nagpapakita ng pagmamahal at respeto sa mag-asawang naging haligi ng pamilya.
Para sa kanilang pamilya, sina Tatay at Inay ay buhay na inspirasyon sa tibay ng relasyon, pagpapahalaga sa pamilya, at sakripisyo para sa isa’t isa.
Sa panahon ngayon kung saan madalas ay panandalian ang mga relasyon, ang kwento nina Tatay Anghel at Inay Mareng ay paalala: ang forever, posible pa rin, basta’t may tunay na pagmamahal. | BChannel NEWS