Patay sa pamamaril ang isang 39-anyos na babae sa kanyang kinakasama sa Sitio White House, Brgy. Lalo, Tayabas City, Quezon bandang alas-1:00 ng madaling araw noong Hulyo 30, 2025.
Ayon sa ulat na natanggap ng Tayabas CCPS mula sa ina ng suspek, matapos ang inuman ng magkasama, nagkaroon ng mainitang argumento ang maglive-in partners.
Dahil sa hindi malamang dahilan, humugot ng baril ang suspek na si Alejandro, at binaril ang biktimang si Aileen sa iba’t ibang parte ng katawan. Kaagad na rumesponde ang mga tauhan ng CDRRMO at kinumpirma ang pagkamatay ng biktima.
Pagkatapos ng pamamaril, tumakas ang suspek sakay ng isang motorcycle na may sidecar at walang plaka, patungo sa hindi pa matukoy na direksyon. Kasama niyang itinakas ang baril na ginamit sa krimen.
Ang mga awtoridad ay patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon at pagtugis sa suspek.
Sumisigaw naman ng hustisya ang mga kaanak ng biktima. | BChannel NEWS