Arestado ang isang lalaki matapos pagbantaan ang isang residente habang armado ng baril sa Barangay Calzada, Balayan, Batangas pasado alas–nwebe ng umaga nitong Agosto 27.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Balayan Municipal Police Station, lumalabas na nagtungo ang biktima na si Reynald sa St. Basil Memorial Park upang maningil ng bayad para sa isang kargamento ng buhangin. Subalit nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo ng suspek na si Dick.
Sa kainitan ng alitan, pumasok umano sa kanilang opisina ang suspek at nagbitiw ng banta.
Maya-maya ay bumalik itong may dalang Caliber .45 pistol at tinutukan ang biktima habang sinasabing papatayin niya ito.
Agad na tumakas si Reynald upang makaiwas sa pamamaril at humingi ng tulong sa barangay bago nagtungo sa Balayan Police Station upang magsampa ng reklamo.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Balayan MPS na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek at pagkakakumpiska ng naturang baril.
Sa ngayon, nahaharap ang suspek sa kasong Grave Threat at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.