Tinututukan ngayon ang panukala ni Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste na bawasan ang gastusin ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Ayon kay Leviste, pumayag na si Secretary Vince Dizon na ibaba ang Detailed Unit Price Analysis o DUPA ng ahensya ng hindi bababa sa sampung porsyento.
Ang DUPA ay breakdown ng gastos sa mga proyekto gaya ng materyales, gamit, at pasahod sa mga manggagawa. Giit ni Leviste, noong panahon ni dating DPWH Secretary Rogelio Singson, naibaba na ito ng sampung porsyento, at maaari pa raw ibaba ng hanggang dalawampung porsyento.
Sang-ayon naman si Secretary Dizon at sinabing posible ngang tapyasan ng sampung porsyento ang DUPA para mas maging episyente ang paggamit ng pondo ng gobyerno.
Kapag naisakatuparan ang pagbabawas, tinatayang makakatipid ng hanggang 88 bilyong piso mula sa kasalukuyang 880 bilyong pisong budget ng DPWH. Kung 20 porsyento ang kaltas, aabot pa raw sa 176 bilyong piso ang matitipid.
Ayon kay Leviste, malaki ang maitutulong nito para pondohan ang mga programa tulad ng scholarship para sa mga estudyante, at maaari ring suportahan ang kanyang panukala na ibaba ang Value Added Tax mula 12 porsyento tungo sa 10 porsyento.
Giit pa ng kongresista, kung maiiwasan lang ang labis na gastos at maling paggamit ng pondo sa mga proyekto, mas mapapakinabangan ito ng taumbayan, lalo na sa edukasyon at serbisyong panlipunan.
Bukod dito, ipinakita ni Leviste ang halimbawa sa kaniyang sariling mga proyekto. Sa mga covered court sa Balayan at Lemery na ipinatayo mula sa kaniyang sariling bulsa, halos kalahati lamang ang ginastos kumpara sa proyekto ng DPWH na nagkakahalaga ng P6.7 milyon ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos.
Bilang Vice Chairman ng Committee on Appropriations at Ways and Means, iginiit ni Leviste na dapat masiguro ang bawat pisong mula sa kaban ng bayan ay nagagamit nang wasto at napapakinabangan ng taumbayan. Layunin niyang bawasan ang magastos at sayang na gastusin para mapagaan ang pasanin ng bawat Pilipino. | BChannel news