Isang senior citizen na lalaki ang natagpuang walang buhay matapos umanong malunod sa Brgy. Tayuman, Lobo, Batangas nitong hapon ng Linggo, September 28.
Ayon sa Lobo Municipal Police Station, mismong si Barangay Captain Norberto Abanilla ang tumawag sa pulisya matapos matagpuan ang isang walang buhay na katawan na bahagyang nakalubog sa ilog at nakadapa ang posisyon.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Lobo MPS para magsagawa ng imbestigasyon.
Pagdating sa lugar, naroon si Leonardo na nagpakilalang anak ng biktima.
Aniya, bandang alas-singko ng umaga ay umalis ang kanyang ama na si Hilario upang silipin ang lambat ng hipon na inilagay niya noong nakaraang araw ngunit hindi na ito nakauwi.
Sa inisyal na pagsusuri, walang nakitang palatandaan ng pananakit sa katawan ng biktima at pinaniniwalaang nalunod ito.
Tumanggi naman ang pamilya na ipa-soco ang bangkay, dahil kumbinsido silang aksidente ang nangyari.
Gayunpaman, iginiit ng Lobo MPS ang pagsasagawa ng autopsy upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang pulisya sa Provincial Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri. | BChannel news | 📸 De Chavez Albert