Bahagyang lumakas habang nasa silangan ng Luzon ang Tropical Storm Paolo o may international name na Matmo ay sa weather forecast ng PAGASA as of 11:00 AM.
Huling namataan ang sentro nito sa layong 575 kilometro silangan ng Infanta, Quezon.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometers per hour malapit sa gitna at bugso hanggang 90 kilometers per hour. Kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometers per hour.
Itinaas na ang Tropical Cyclone Wind Signal Number 2 sa ilang bahagi ng Isabela, Quirino at Aurora kung saan posibleng maranasan ang gale-force winds sa loob ng 24 oras. Habang nasa Signal Number 1 naman ang malaking bahagi ng Cagayan Valley, Cordillera, ilang bahagi ng Central Luzon, Quezon kasama ang Polillo Islands at hilagang bahagi ng Catanduanes.
Ayon sa PAGASA, asahan ang malalakas na hangin at pag-ulan lalo na sa mga lugar na direktang maaapektuhan ng bagyo. Pinapaalalahanan ang publiko na maging alerto sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa, partikular sa mga bulubundukin at baybayin.
Posibleng umabot pa sa Signal Number 3 ang babala habang patuloy na lumalapit ang bagyo.
Hindi rin inaalis ang posibilidad na maging typhoon si Paolo bago ito mag-landfall, kaya’t pinapayuhan ang lahat na patuloy na mag-monitor sa mga susunod na abiso ng DOST-PAGASA.