Nagsampa ng dalawang hiwalay na kaso ang NBI-Bulacan South District Office laban kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Leal Guo, na kilala rin bilang Guo Hua Ping, at ilan sa kaniyang pamilya.
Kaugnay ito sa pagtatayo nila ng negosyo at pagbili ng lupa sa Marilao, Bulacan.
Sa Senate inquiry, lumabas na si Alice Guo ay isang Chinese national, gayundin ang kaniyang kapatid na si Shiela o Mier Zhang. Natuklasan ng NBI na sila at iba pang kaanak ay incorporators ng iba’t ibang kumpanya gaya ng QJJ Group of Companies, QSeed Genetics, QJJ Meat Shop, QJJ Slaughter House, QJJ Smelting Plant, at QJJ Embroidery Center—lahat nakarehistro sa isang address sa Barangay Patubig, Marilao.
Ayon sa mga dokumento, si Guo ang bumili ng 4,636 square meter na lupa sa halagang dalawang milyong piso noong 2010. Pero sa mga Articles of Incorporation, idineklara nilang sila ay mga Pilipino at majority shareholders ng nasabing mga negosyo.
Dahil dito, sinampahan ng NBI sina Guo at pamilya ng tatlumpung bilang ng Falsification of Public Documents at Simulation of Minimum Capital Stock, pati na rin ng iba’t ibang kaso ng falsification kaugnay sa business permits at deed of sale.
Sa kabuuan, si Alice Guo lamang ay humaharap sa higit 40 bilang ng kasong kriminal.
Pinuri naman ni NBI Director Santiago ang masusing imbestigasyon ng kanilang mga ahente na nagbunsod sa pagsasampa ng karagdagang kaso laban sa dating alkalde at kaniyang pamilya. | BChannel news