Patay ang isang rider habang sugatan ang tatlo sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa M.H. Del Pilar Street, Barangay Plaza Aldea, Tanay, Rizal pasado alas-4 ng madaling araw noong Sabado, October 4, 2025.
Batay sa ulat ng Tanay Municipal Police Station, kinilala ang nasawing biktima na si Marlon, 44 anyos, tricycle driver at residente ng Barangay Kat-bayani, Tanay, Rizal. Minamaneho niya ang isang motorsiklo na hindi nakarehistro at walang lisensya. Ang angkas niyang si Elizabeth, 75 anyos, ay nagtamo ng mga sugat at dinala sa Rizal Provincial Hospital sa Morong.
Sa kabilang banda, bumangga si Mark, 20 anyos, isang college student at residente ng Barangay Tandang Kutyo, sakay ng motorsiklo. Wala rin itong maipakitang driver’s license at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya. Ang angkas niyang si Charlie, 15 anyos at isang Grade 8 student, ay sugatan din sa aksidente.
Ayon sa imbestigasyon, nag-overtake umano si Mark sa kalsada at nag-counterflow, dahilan para direktang sumalpok sa motorsiklo ni Marlon.
Dinala sa ospital ang lahat ng sangkot, ngunit si Marlon ay idineklarang dead on arrival.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Tanay PNP sa insidente. | BChannel news