Nagpaabot ng tulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa mga biktima ng malakas na lindol sa Cebu.
Isang milyong piso ang ibinigay ng Batangas Provincial Government bilang suporta sa rehabilitasyon ng mga komunidad sa hilagang bahagi ng Cebu na matinding napinsala ng magnitude 6.9 na lindol noong Sept., 30.
Ayon sa Cebu Province, pinangunahan ni Governor Vilma Santos-Recto, kasama si Vice Governor Dodo Mandanas, ang nasabing inisyatibo bilang pakikiisa sa mga Cebuanong nakararanas ng matinding pagsubok. Personal na inihatid ni Provincial Treasurer Carmelo Pesa ang tulong pinansyal kay Cebu Governor Pamela Baricuatro.
Lubos naman ang pasasalamat ni Gov. Baricuatro sa pamahalaang panlalawigan ng Batangas.
Aniya, malaking tulong ang donasyong ito upang mapabilis ang rehabilitasyon at pagbangon ng mga apektadong lugar sa Northern Cebu.
Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, umabot na sa 75 ang nasawi dahil sa lindol, habang 600 naman ang sugatan at patuloy pang bineberipika.
Tinatayang mahigit 189,000 pamilya o katumbas ng higit 722,000 katao ang naapektuhan sa 251 barangay sa Central Visayas.
Nasa halos 72,000 bahay rin ang nawasak, kung saan higit 67,000 ang bahagyang napinsala at halos 5,000 naman ang tuluyang gumuho. | BChannel news