Iginiit ni Department of Finance Secretary Ralph Recto na mas malaki sana ang naging paglago ng ekonomiya ng bansa kung walang korapsyon sa mga flood control at iba pang infrastructure projects ng gobyerno.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance kaugnay ng P37.78-bilyong proposed budget ng Department of Finance para sa taong 2026, binigyang-diin ni Recto na malaking hadlang sa pag-unlad ng ekonomiya ang mga tinatawag na ghost projects at mga substandard na proyekto na kadalasang nangyayari sa sektor ng flood control.
Ani Recto, kahit malaki ang ginagastos ng pamahalaan, hindi ito nararamdaman ng ekonomiya dahil napupunta ang pondo sa mga maanomalyang proyekto.
“Dahil napunta ang parte ng capital outlay doon sa ghost projects o substandard projects, halimbawa sa flood control, ay apektado ang growth natin,” pahayag ng kalihim.
Sa naturang pagdinig, pinuna rin ni Senador Win Gatchalian na hindi nakamit ng gobyerno ang revenue target sa nakalipas na tatlong taon, dahilan para busisiin ng mga senador ang performance ng mga revenue-generating agencies ng DOF gaya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).
Ayon sa ulat, P19.5 bilyon ang inilaan sa BIR, P6.9 bilyon sa BOC, habang P4.7 bilyon naman ang pondo ng Bureau of the Treasury sa panukalang 2026 budget.
Binigyang-diin ng mga senador na ang korapsyon ay hindi lamang nagpapabagal sa pagpapatupad ng mga proyekto, kundi pati nagpapahina rin sa pundasyong pinansyal ng bansa.
Sa ngayon, patuloy pang gumugulong ang pagdinig sa Senado upang matiyak na ang pondo ng DOF ay mapupunta sa tama at makatutulong sa tunay na paglago ng ekonomiya. | BChannel news