Isang babae ang nasawi matapos pagbabarilin sa isang liblib na bahagi ng Barangay Manggalang 1 sa bayan ng Sariaya, Quezon.
Ayon sa Sariaya Municipal Police Station, dakong alas-7:45 ng gabi nitong October 23 nang mangyari ang pamamaril sa Sitio Birhenan. Bandang alas-8:25 ng gabi, tumawag si Barangay Councilor Ramil Arañez upang ireport ang insidente.
Kinilala ang biktima na si Rosalie na noo’y pauwi na sakay ng kanyang bisikleta nang biglang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek. Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na agad nitong ikinasawi.
Ayon kay Barangay Captain Perez, ang biktima umano ay dati nang nasasangkot sa iligal na droga at sinasabing posibleng ito ang motibo sa pamamaril, kaya’t isa ito sa mga anggulong tinitingnan ng pulisya.
Agad rumesponde ang mga imbestigador mula sa Sariaya MPS upang siyasatin ang lugar.
Humiling din sila ng tulong mula sa SOCO para sa teknikal na eksaminasyon, nagsagawa ng CCTV scanning sa paligid, at patuloy ang pakikipagpanayam sa mga posibleng saksi upang matukoy ang suspek at mabigyan ng hustisya ang biktima. |