Sa kulungan ang bagsak ng tatlong katao sa isinagawang buy-bust operation ng Office of the Police Director – Drug Enforcement Unit (OPD-DEU) katuwang ang Batangas City Police Station sa Barangay Soro-soro Ilaya, Batangas City, bandang 11:59 ng gabi, October 23.
Sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, nadakip ang tatlong indibidwal na kinilalang sina “Tonton,” 39 anyos; “JM,” 28 anyos; at “Mak,” 40 anyos, pawang mga residente ng nasabing barangay.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, nasamsam sa operasyon ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 25 gramo at may tinatayang halagang ₱170,000; buy-bust money; isang itim na sling bag, isang improvised carbine rifle na may magazine at live ammunition, isang cellphone, at isang motorsiklo.
Gumamit din ng dalawang body-worn camera ang mga operatiba bilang bahagi ng standard procedure sa isinagawang buy-bust.
Dinala ang mga naarestong suspek sa PDEU Office para sa dokumentasyon at isasailalim din sila sa medical examination sa Batangas Medical Center.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5, kaugnay ng Section 26 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.