Isang rider ang nasawi sa aksidente sa Marcos Highway, Veterans, Barangay San Jose, Antipolo City, Rizal, bandang alas-10:55 ng gabi nitong Huwebes, December 04.
Base sa imbestigasyon ng Antipolo City Central Police Station, bumibiyahe noon ang isang puting boom truck na pagmamay-ari ng isang construction company at minamaneho ni Gelo, residente ng Bulacan. Huminto ang sasakyan sa gitna ng highway dahil may bumagsak na kable ng kuryente na nakaharang at maaaring magdulot ng disgrasya sa mga dumadaan.
Habang inaayos ang sitwasyon, papalapit naman sa lugar ang isang itim na motorcycle na minamaneho ng isang 28-anyos na lalaki mula Jalajala, Rizal.
Ayon sa driver ng boom truck, hindi umano napansin ng motor ang nakahintong sasakyan dahil sa nakakasilaw na ilaw ng paparating na mga sasakyan. Dahil dito, bumangga ang motorsiklo sa likurang bahagi ng boom truck.
Duguan at malubha ang tama sa ulo ng driver ng motorcycle, kaya agad siyang isinugod sa Antipolo Hospital Annex III. Ngunit pagdating doon ay idineklara na siyang Dead on Arrival.
Kinilala ang boom truck driver bilang si Gelo, Barangay San Jose, Del Monte, Bulacan.
Patuloy ang imbestigasyon ng Antipolo CCPS sa naturang insidente. | BChannel news