
Isang lalaki ang inaresto ng mga awtoridad sa Brgy. Sta. Rita, Pinamalayan, Oriental Mindoro nitong December 4, 2025.
Ito’y matapos mahulihan ang suspek na si “Mike”, 35 anyos, empleyado ng United Sales Calapan Corporation, habang aktong nagbebenta ng cooking oil na umano’y hindi rehistrado sa FDA.
Nakuha ng CIDG Oriental Mindoro, FDA Region 4B at Pinamalayan Police sa suspek ang 43 packages na may kabuuang 2,615 bote ng cooking oil na tinatayang nagkakahalaga ng P1,842,478.07.
Ayon sa CIDG, malinaw na paglabag ito sa Republic Act 9711, kung saan ipinagbabawal ang pagbebenta ng food products na walang kaukulang awtorisasyon ng FDA dahil hindi matitiyak ang kalidad at kaligtasan nito.
Pinuri ni Acting CIDG Director PMGEN Robert AA Morico II ang CIDG RFU 4B sa pangunguna ni PCOL David Toctocan Jr. at ang Oriental Mindoro PFU na pinamumunuan ni PMAJ Paulino Tugade Jr. sa matagumpay na operasyon. Aniya, malaking panganib sa kalusugan ng publiko ang kanilang napigilan.
Tiniyak ng CIDG na tuloy-tuloy ang kampanya laban sa anumang ilegal na bentahan ng consumer products at hinikayat ang publiko na magsumbong ng kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar. | BChannel news | CIDG