Isang mangingisda ang sugatan matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek bandang alas-7 ng umaga, Enero 6, sa Sitio Badjaon, Barangay Wawa, Batangas City.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Batangas City Police Station, armado ng hindi pa batid na uri ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima na tinamaan sa kanang bahagi ng likod.
Agad na tumakbo ang biktima upang makaiwas sa karagdagang pinsala, habang tumakas naman ang suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Isinugod ang biktimang kinilalang si Juancho, 50-anyos, may asawa at residente ng Barangay Wawa, sa Batangas Medical Center kung saan siya kasalukuyang ginagamot.
Patuloy ang follow-up operation ng pulisya para sa pagkakakilanlan at pag-aresto sa suspek, habang humingi na rin ng tulong ang mga awtoridad sa SOCO para sa mas malalim na imbestigasyon. | BChannel news