Arestado ang isang 47-anyos na construction worker na si “Willy” matapos umanong manaksak ng kasamahan sa trabaho sa Barangay Mataas na Bayan, Lemery, Batangas nitong Enero 21, 2026.
Ayon sa pulisya, nag-ugat ang insidente sa isang inuman kung saan nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at ang 27-anyos na biktimang si “Atoy,” na nauwi sa suntukan.
Sa gitna ng pagtatalo, sinasabing bumunot ng kutsilyo ang suspek at sinaksak ang biktima sa kaliwang kilikili at binti.
Agad na isinugod ang biktima sa Batangas Provincial Hospital para sa gamutan, habang naaresto naman sa lugar ang suspek ng rumespondeng pulis.
Nasa kustodiya na ngayon ng Lemery Municipal Police Station ang suspek at inihahanda na ang kaukulang kaso para sa pagsasampa sa piskalya.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, hindi nila kinukunsinti ang karahasan at patuloy ang kanilang pagtutok sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan. | BChannel news