Isang 17-anyos na dalagita ang natagpuang patay sa isang madamong bahagi ng Purok 6, Barangay Sico, Lipa City, Batangas bandang alas-12 ng tanghali nitong Enero a-22, ayon sa ulat ng Lipa City Police Station.
Sa imbestigasyon ng Lipa Police, lumalabas na pauwi na mula sa paaralan ang kapatid ng biktima na si Manny kasama ang kanyang kaibigan nang mapansin nila ang isang nakahandusay na katawan sa gitna ng damuhan.
Nang lapitan upang tiyakin, doon niya positibong nakilala na ang biktima ay ang kanyang nawawalang kapatid na babae na wala nang buhay nang matagpuan.
Agad na ipinaalam ni Manny sa kanilang ama ang insidente. Mabilis namang ini-report ng ama sa mga opisyal ng barangay ang pangyayari, na siyang nagbigay-alam sa pulisya ng Lipa City para sa kaukulang aksyon at imbestigasyon.
Sa imbestigasyon, lumalabas na ang biktima ay huling nakitang buhay bandang alas-7 ng gabi ng Enero 21, matapos umalis ng kanilang bahay upang dumalo sa isang birthday party sa Barangay Tambio, Lipa City. Hindi na ito nakauwi hanggang sa matagpuan ang kanyang bangkay kinabukasan.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Cris,” 17 taong gulang, at residente ng nasabing lugar.
Ayon kay PLTCol. Aleli Buaquen, spokesperson ng Batangas Police Provincial Office, naaresto na ang suspek sa Camarines Sur, na dating live in partner ng biktima. Selos umano ang motibo sa krimen dahil may bago ng kinakasama ang biktima. Walang sugat ang biktima pero ang sabi ng Lipa Police, posibleng asphyxiation o pagsakal ang ikinamatay nito.
Sa ngayon, patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad. | BChannel news