Isang hinihinalang mga labi ng tao ang natagpuan nitong Miyerkules ng hapon, Enero 22, 2026, sa gilid ng Marcos Highway sa Sitio Cabading, Barangay San Jose, Antipolo City.
Ayon sa PRO-4A Calabarzon, bandang ala-1:30 ng hapon nang i-report ng mga dumaraang sibilyan sa pulisya ang isang nakabuyangyang na paa ng tao mula sa isang sako na inilagay sa loob ng berdeng drum sa isang roadside cliff area.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng PCP 3 at kinumpirma ang presensya ng drum na may lamang puting sako kung saan malinaw na nakalabas ang paa ng tao. Naramdaman din ang mabahong amoy mula sa lalagyan.
Dahil dito, agad na sinelyuhan at siniguro ang lugar bilang crime scene. Humingi na rin ng tulong ang pulisya sa Scene of the Crime Operatives o SOCO upang magsagawa ng masusing imbestigasyon at forensic examination.
Sa ngayon, hindi pa nakikilala ang biktima at patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan at kung paano napunta sa lugar ang mga labi ng tao. | BChannel news