Nagbitiw bilang board director ng Terra Solar Philippines Inc. si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste, ayon sa Meralco PowerGen Corp.
Epektibo nitong Enero 21, 2026 ang pagbabagong ito bilang bahagi ng paghahanda ng MTerra Solar sa commissioning at unang pagpasok ng kuryente mula sa solar farm nito sa Central Luzon papunta sa national grid.
Pinalitan si Leviste ng MGEN president at CEO na si Emmanuel Rubio upang mas tumugma ang pamunuan sa operational readiness ng proyekto.
Kasabay ito ng grid cut-in ng 500-kilovolt substation ng MTerra Solar na inaasahang magsisimulang ma-energize ngayong quarter at target umabot sa 1,500 megawatts pagsapit ng Agosto 2026.
Kinumpirma ni Leviste ang kanyang pagbibitiw at iginiit na ginawa ito upang hindi madamay ang Meralco at iba pang investors sa umano’y political attacks laban sa kanya.
“Para hindi madamay sa mga maling political attacks sa akin ang Meralco at iba pang investors sa mga kumpanyang ibinenta ko (Terra Solar Philippines, Inc. at SP New Energy Corp.), ako po ay nagbitiw bilang board director, ayon kay Cong Leviste.
“Sa pag-atake sa akin, iba ang nadadamay. Sana po ay hindi na madamay ang iba,” dagdag pa niya.
Nauna ring sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kapag ganap na gumana ang proyekto, makapagbibigay ito ng libo-libong megawatts ng malinis na kuryente at makikinabang ang mahigit dalawang milyong kabahayan.