Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawak ng mga pre-cast housing facility sa buong bansa upang mapabilis ang pagpapatupad ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino o 4PH program.
Sa ika-7 anibersaryo ng Department of Human Settlements and Urban Development sa Taytay, Rizal, sinabi ng Pangulo na palalawakin at dadagdagan ang mga planta na gumagawa ng pre-cast materials gaya ng pader at haligi upang mas mapabilis ang konstruksyon nang hindi isinasakripisyo ang kalidad at abot-kayang halaga.
Ayon sa Pangulo, mahigit 423,000 housing units na ang natapos at napondohan mula Hulyo 2022 hanggang Enero 2026. Nagkaloob din ng mga susi at sertipiko sa mga benepisyaryo sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Samantala, iniulat ng Pag-IBIG Fund na nakapagpalabas ito ng record na mahigit 140 bilyong piso sa housing loans noong 2025 para sa higit 90,000 miyembro, bilang suporta sa pagpapalawak ng pabahay sa bansa.